-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang ama matapos na gahasain ang sariling anak sa Pinayag, Kayapa, Nueva Vizcaya.

Inaresto ang 35-anyos na pinaghihinalaan na residente ng Bambang, Nueva Vizcaya sa isinagawang “manhunt Charlie” ng Kayapa Police Station.

Ang mga warrant of arrest ay ipinalabas ni Judge Paul Atolba Jr. ng RTC Branch 30 Bambang, Nueva Vizcaya sa kasong rape at two counts of violence againts women and their children na may piyansang P75,000.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nag-ugat ang kaso ng pinaghihinalaan matapos gahasain nito ang kanyang anak na 15-anyos na mayroong diperensiya sa pag-iisip at pananakit nito sa kanyang maybahay.

Dahil mayroong suliranin sa pag-iisip ang biktima ay hindi nakapagsumbong kahit dalawang ulit na siyang ginahasa ng ama.

Naaktuhan naman ng ina ng biktima ang panggagahasa ng mister sa kanilang anak kaya kaagad niyang ipinadakip at sinampahan ng kaso.