-- Advertisements --

DAVAO CITY – Sobrang kalasingan at matagal nang alitan ang dahilan umano sa pagbaril at pananaga ng anak sa sariling ama sa loob ng kanilang kubo sa Sitio Panaga, Brgy. Colasas, Paquibato District, lungsod ng Davao.

Sa report ng Paquibato Police Station, nakilala ang biktima na isang Freddie Lumantad, 55, samantalang ang suspek na anak nakilalang si Joseph Lumantad, 26.

Napag-alamang magkasama pa ang mag-ama sa nagpapabili ng mais sa sentro ng barangay at nakipag-inuman ang biktima kasama ang kanyang mga barkada, samantalang ang suspek nag-iisa lamang sa kanyang kubo.

Bigla na lamang umanong bumungad ang ama sa lugar ng anak bitbit ang itak na itinutok kay Joseph sabay sabing ngayon na raw ang pagkakataon upang patayin ang sariling anak.

Kaagad na binaril ng anak ang kanyang ama gamit ang surit-surit shot gun at nang matumba na, inagaw ng suspek ang itak ng ama na siyang ginamit nito sa pananaga.

Dead on the spot ang biktima at sumuko naman agad ang suspek sa kanilang barangay official at kaagad na ipinasakamay sa pulisya.