DAVAO CITY – Patay ang 30 anyos na ama na nahaharap sa kasong panggagahasa ng kanyang sariling anak matapus mang-agaw ng baril sa isang police officer.
Batay sa report mula Talomo Police Station, hindi na umabot pang buhay sa ospital ang suspect na si Marlo, residente ng Toril nitong lungsod matapus mag-tamo ng mga sugat sa katawan nang barilin ng mga tauhan ng police station.
Nalaman na isasa-ilalim sana sa online inquest proceedings ang suspect, pero bigla na lamang umanong inagaw nito ang baril ng naka-duty na desk officer.
Kaagad namang dumipensa ang kasamahang mga police at hindi nagdalawang isip na barilin ang suspect kaysa maunahan pa umano sila nito.
Inaresto si Marlo ng mga otoridad matapus inireklamo umano mismo ng kanyang sariling anak ng pang-gagahasa.
Matatandaan na noong June 2018, patay din ang isang 35 anyos na ama na nanggahasa sa kanyang 16 anyos na anak matapus pagbabarilin ng mga police dahil sa pang-aagaw ng baril sa loob rin mismo ng naturang police station.