-- Advertisements --
TAGUIG SUSPECT
Aiko Siacunco

Pormal nang ipinagharap ng reklamo ng pulisya ang ama na pumatay sa kanyang dalawang paslit na anak at sa sariling misis sa Taguig City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Taguig City police chief Col. Celso Rodriguez, kanyang iniulat na isinailalim na sa inquest proceedings nito Lunes ang suspek na Aiko Siacunco, 29, via zoom kung saan sinampahan ito ng kasong three counts of parricide.

Lumabas sa otopsiya na ang padre de pamilya din pala ang pumatay sa misis na si Karina kung saan ito ay sinakal at saka binigti sa kanilang bahay sa Barangay North Signal, Taguig City.

Si Aiko ay nagtangka ring magpakamatay pero ito ay naka-survive.

Una nang lumabas ang impormasyon na nitong nakalipas na December 24 ay nagpakamatay ang misis.

“Sadya talagang ginawa niya yon (pagpatay sa misis) siya mismo ang nagsabi na nagbigti ang kanyang asawa upang lituhin o paniwalain ang kaanak ng biktima maging ang mga pulis na ito nga si Karina ay nagbigti,” paliwanag pa ni Col. Rodriguez. Pero lumalabas sa imbestigasyon natin at sa mga salaysay at mga ebidensiya na ating nakalap na itong si Karina ay sinakal nga ng suspek na kanyang asawa.”

col celso rodriguez
Taguig City police chief Col. Celso Rodriguez

Ayon pa kay Col. Rodriguez, ang dalawang anak na one year old na batang lalaki at tatlong taong gulang na babae ay sinasabing pinatay matapos umanong takpan ang bigbig at ilong o kaya ginamitan ng unan ng tatay para hindi makahinga.

Kabilang umano sa dahilan nang pagpatay ng mister sa misis na isang call center agent ay ang suspetsa na may kalaguyo ito na kailanman ay hindi naman napatunayan.

Nakatakdang iuwi ngayong linggo patungong iloilo ang bangkay ng misis kapag nakompleto na ang mga papeles.

Ang mga labi naman ng mag-iina ay sabay-sabay na nakaburol ngayon sa Taguig.

Kung saan ang abo ng mga bata ay katabi ng kabaong ng kanilang ina.