-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patay ang anak habang sugatan naman ang nakatatandang kapatid nito matapos tinaga ng kanilang ama sa Sitio Ulang, Barangay Sibariwan, Dumarao, Capiz.

Kinilala ang namatay na si Michael Sulleta, 30-anyos, residente ng naturang lugar, habang sugatan ang kuya nito na si Ricky Sulleta.

Base sa inisyal na impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo sa Dumarao Municipal Police Station, magkasama umanong uminom ang magkapatid at ang kanilang amang si Ricordeo Sulleta, 57-anyos, sa bahay ng kanilang kaanak.

Dito ay nakaalitan daw ni Michael ang kaniyang ama dahil sa pag-awat na sa kanilang inuman session.

Dahil sa galit ng ama ay tinaga nito ang anak na si Michael na nagtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Sa paa naman natamaan si Ricky matapos nagtangka itong pumagitna sa kapatid at kaniyang ama.

Dinala pa sa Dao District Hospital si Michael ngunit idineklarang dead on arrival.

Boluntaryo namang sumuko ang suspek sa mga kapulisan matapos ang krimen.