BACOLOD CITY – Nahuli na rin ng mga pulis ang amang suspek sa paggahasa sa 10-taong gulang na batang babae na kanilang kapitbahay sa Brgy. San Miguel, Murcia, Negros Occidental isang taon na ang nakalipas.
Oktubre 30 taong 2019 nang matagpuan ang bangkay ng Grade 5 pupil sa taniman ng tubo sa San Miguel at pinaniniwalaan na ito ay hinampas at ginahasa bago pinatay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay PLt. John Paul Tabujara, hepe ng Murcia Municipal Police Station, sinilbihan ng warrant of arrest si Edgar Gonzaga dahil sa kasong rape with homicide.
Si Edgar ay ama ni Edgie Gonzaga ng nasabing barangay na hinuli na mga pulis noong Hunyo dahil lumabas sa resulta ng DNA test na sa kanya ang sperm function na nakuha sa ari ng bata.
Ayon kay Tabujara, ang mag-ama ay nakatira malapit sa lugar kung saan na-retrieve ang bangkay ng biktima ngunit hindi sila tumulong sa paghahanap at hindi rin nagcooperate sa mga pulis.
Matapos makita ang kamot sa leeg ni Edgar, sinampahan ito ng kasong rape with homicide batay sa circumstantial evidence at nag-prosper sa korte kaya’t naglabas ang judge ng warrant of arrest.
Walang piyansa na inirerekomenda ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Edgar.