-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Malungkot na ibinahagi ni Ben Operiano, ang ama ng binansagang ”chess prodigy” ng Albay na si Bince Rafael na walang mangyayari sa isang chess player lalo na kung mahirap ito dahil sa kawalan ng suporta mula sa pamahalaan.

Binigyang diin ni Operiano sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nangungunang problema ng isang manlalaro ng chess ay ang kawalan ng pera lalo na pagdating sa mga national at international competition.

Kahit gaano aniya kagaling kung walang pondo, wala ring mangyayari.

Kung kaya’t walang kasiguraduhan si Operiano kung makakasali pa ang anak sa mga susunod na tournament lalo pa’t malaking halaga ng pera ang kinakailangan.

Inamin din nito na sa larong chess, lalo na pagdating sa mga national tournament, walang sangkot na pera at tanging mga tropeyo at medalya lang ang napapanalunan.

Subalit, sinabi ng ama ni Bince na hindi pera ang habol sa kompetisyon kundi karangalan ng bansa ang ipinaglalaban.
Samantala, pinasalamatan din nito ang mga tumulong upang maabot ni Bince ang tagumpay.