CEBU – Hustisya ang panawagan ng ama ng isang dalagita na natagpuang nasa state of decomposition sa loob ng septic tank ng Cogon Cruz Integrated School sa Danao City, Cebu.
Ayon kay Filemon Ygay, ama ng 14-anyos na biktimang si Thesa May Ygay, gusto nitong sumuko na lang ang suspek upang makamit nila ang hustisya.
Kasabay nito ang pagkumpirma na manliligaw ng kanyang anak ang 36-anyos na security guard at suspek na si Jessie Montes Medequillo.
Ngunit sinasabing hindi ito “sinagot” ng biktima kaya nagbanta diumano ang suspek na patayin ang kanyang anak at magpapakamatay din umano ito.
Hindi rin masabi ng ama kung may relasyon si Thesa at ang suspek dahil hindi naman umano nakikipag-usap kay Medequillo ang kanyang anak.
Dagdag pa nito na hindi niya akalain na gagawin ito ng suspek sa kanyang anak dahil kaibigan naman daw niya ito.
Nabatid na noong 2012 pa naging magkaibigan ang suspek at si Filemon kung saan bumibili ito ng buhangin sa kanila hanggang sa napapadalas na diumano ang pagbisita nito sa kanilang bahay hanggang taong 2017 nang naging kaibigan naman ito ng kanyang anak.