-- Advertisements --

DIPOLOG CITY – Kinumpirma ng mga otoridad na sinampahan na ng kaukulang kaso ang ama ng mga batang namatay matapos masabugan ng nilalarong granada habang nasa loob ng kanilang bahay sa Purok San Roque, Sicayab, Dipolog City nitong Huwebes.

Ayon kay Dipolog City Chief of Police, PLt. Col. Gilzen Niño Manese sa panayam ng Star FM Dipolog, kakaharapin umano ni Nonamar Pasculado, ama ng mga biktima, ang kasong paglabag sa Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives na non-bailable.

Dagdag pa nito, hihingin din umano nila ang tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa kung ano pa ang posibleng maisampang kaso kay Pasculado sa kapabayaan nito sa kanyang mga anak.

Kung maalala, nilalaro umano ng mga biktima ang isang rifle grenade at possibleng nahulog kaya ito sumabog.

Sa ngayon si Pasculado ay pansamantalang nakakulong sa Dipolog Police Station.