ROXAS CITY – Desididong magsampa ng kaukulang reklamo ang ama ng dalawang sanggol sa triplets na namatay matapos ipinanganak sa Bailan District Hospital sa bayan ng Pontevedra, Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Reyland Bataican, inihayag nito na desidido silang ipaabot sa korte ang naging kapabayaan umano ng mga nurses at doktor ng naturang ospital na itinuturong rason sa pagkamatay umano ng kaniyang dalawang anak.
Ayon kay Bataican, salat man siya sa pera at edukasyon, ay hindi maaring hindi mabigyan ng leksiyon ang mga empleyado ng naturang ospital.
Nabatid na dahil premature ang mga sanggol ay sinabihan silang kailangan itong mailagay sa incubator.
Ngunit dahil isa lamang ang available na incubator ay gumawa ng improvised na lagayan ng ilaw ang mga nurses para sa dalawang kambal.
Dahil nahirapan sa paghinga ang mga sanggol ay kaagad kumuha ng ambu bag ang dalawang nurses at inilagay sa mga ito.
Ngunit ikinagulat ng ama ng biglang ibinigay sa kanilang dalawa ng menor de edad na pamangkin ang dalawang ambu bag para sila ang magpatuloy.
Ngunit matapos humingi ng tulog sa nurses at matingnan ang pulso ng kambal ay sinabi nitong patay na ang mga sanggol.
Sa ngayon ay labis na naghihinagpis ang naturang pamilya at desidido umanong mabigyan ng leksiyon ang naturang ospital.
Inaantay naman ang magiging paliwanag ng ospital sa naturang alegasyon.