CENTRAL MINDANAO – Patay ang ama nang tinaguriang “Air Supply” ng Cotabato at RNB singer sa nangyaring pamamaril sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si Sug Bualan, ama ni Jhong Madaliday na residente ng Brgy Kayaga, Kabacan, North Cotabato.
Si Jhong ay sumali na rin noon bilang contestant sa reality singing competition ng GMA7 na “The Clash.”
Ayon kay Kabacan chief of police, P/Maj. Realan Mamon, may tumawag sa biktima na bibili umano ng ibinebenta nitong multicab.
Mula Davao City ay umuwi sa bayan ng Kabacan ang biktima dahil naghihintay ang dalawang katao na bibili raw sa kanyang multicab.
Nang magkita na si Bualan at ang dalawa na bibili ng multicab ay inutusan siya na ito ay paandarin para matiyak na kondisyon ang sasakyan pero doon na ito pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan sa Kabacan.
Naisugod pa sa pagamutan ng kanyang mga kamag-anak ang biktima ngunit hindi na ito umabot ng buhay nang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Hustisya naman ang sigaw ng singer na si Jhong sa nangyaring pagbaril sa kanyang ama.
Ipinag-utos naman ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr sa pulisya ang malalimang imbestigasyon sa naturang krimen.