-- Advertisements --

Maging ang ama ni Ana Jalandoni ay determinadong ilaban sa korte hanggang sa huli ang kaso laban sa aktor at dating kasintahan ng celebrity daughter.

Nabatid na kasama si Ginoong Lawrence Jalandoni sa unang public appearance ni Ana nitong Lunes, mahigit isang linggo matapos ma-rescue ng mga otoridad bagama’t bugbog-sarado na sa isang hotel sa Tagatay.

Kahit apat na buwan pa lang aniya ang relasyon ng dalawa, sobrang minahal ng kanyang anak ang 25-year-old actor kaya hindi matanggap na muntik na pala itong mamatay dahil sa pambubugbog.

“Hindi ko inasahan na mangyayari ‘yung ganyan.. Pero ‘yung dumating ang ganyang sitwasyon, hindi ko maisip na ganyan pala niya susuklian ang anak ko. Halos mamatay na e,” galit na sambit ng nakatatandang Jalandoni.

Una nang inihayag ni Ana na bagama’t aminadong mahal pa rin si Kit, ay wala pa sa isip ang usapin ng “second chance” sa kanilang romantic relationship.

Sa kanyang pagharap sa media, may mga pagkakataong halos hindi na ito makapagsalita dahil sa sobrang pag-iyak nang ibunyag na pinagbantaan daw siya ng aktor kapag nakipaghiwalay, tulad ng ginawa sa ex-husband noong 2018.

Kinumpirma na rin ni Ana na nagpahayag na si Kit ng intensyon na sila ay magpakasal kahit apat na buwan pa lamang ang relasyon.

Sa panig ng abogado ni Jalandoni na si Atty. Faye Singson, plano pa nilang dagdagan ng frustrated homicide at illegal detention ang kaso laban sa aktor, depende anila sa assessment ng piskalya.

At gano man aniya gustuhin ng kliyente na manahimik na lamang sa gitna ng trauma, ay layunin ng pagsasalita nito sa publiko na magkaroon na ng “closure” ang itinuturing na bangungot.

Sa ngayon ay nakipag-ugnayan na ang Bombo Radyo kay Kit at hinihintay ang tugon hinggil sa mga rebelasyon ni Jalandoni.