CENTRAL MINDANAO – Isa ang nasawi at isa ang malubhang nasugatan nang paputukan ang isang bahay sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang binawian ng buhay na si Ampog Tejiro, 55, may-asawa at sugatan ang kanyang anak na si Padido Tejiro, 27, mga residente ng Barangay Silik, Pikit, North Cotabato.
Ayon kay Pikit chief of police, Captain Mautin Pangandigan, habang natutulog ang mga biktima ay bigla lang pinaputukan ang kanilang bahay gamit ang M16 armalite rifle.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin nang matunugan ang mga nagrespondeng myembro ng BPAT at Cafgu.
Agad dinala sa Cruzado Medical Hospital ang mga biktima ngunit hindi na umabot ng buhay ang ama nang magtamo ito ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Habang nasa ligtas nang kalagayan ang anak nito at patuloy na ginagamot sa CMH sa bayan ng Pikit.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pikit PNP sa pamamaril sa mag-ama