BACOLOD CITY – Brutal na kamatayan ang inabot ng isang ama matapos pagtatagain ng kanyang bayaw at pamangkin ng kanyang misis sa Sipalay City, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Punong Barangay Marlon “Bebing” Canillo ng Brgy. San Jose, inabutan pa nila na pinagtataga ng mga suspek ang biktima na si Lito Bawaan, 58, may asawa at siyam na mga anak sa Purok Strangers Paradise, dakong alas-5:45 kahapon ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Bonifacio Tabanao Jr., 47, single at residente ng Purok Tinablan, Brgy. Gil Montilla at pamangkin nito na si JR Bacurnay, 24, ng Brgy. Cabadiangan.
Si Tabanao ay kapatid ng asawa ng biktima at pamangkin nito si Bacurnay.
Ayon kay Canillo, lasing ang mga suspek nang sinugod ng mga ito ang biktima sa kanyang bahay.
Base sa nakita ni Canillo sa crime scene, halos mawasak ang bungo ng biktima at maging ang tuhod at buko-buko nito ay pinagtataga din ng mga suspek.
Maliban dito, pinutol din ni Bacurnay ang kanang braso ng biktima at itinapon sa labas ng kusina.
Maliban sa taga, sinaksak at hinampas pa ng mga suspek ang biktima.
Nasa bahay naman ang asawa at mga anak ng biktima nang sumugod ang mga suspek ngunit tumakas ang mga ito at humingi ng tulong.
Paghihiganti naman ang tinitingnang motibo sa krimen dahil napag-alaman na taong 2012 nang binaril at napatay din ni Bawaan ang kapatid ng kanyang asawa at ni Bonifacio na si Roberto.
Nakulong si Bawaan at 2018 lamang ng nakalabas ito ng kulungan.
Kaagad namang rumesponde ang Sipalay City Police Station at naaresto ang mga suspek.