-- Advertisements --

ROXAS CITY – Bangkay na ng matagpuan sa poso negro ang isang ama na pinatay ng sariling anak sa Sitio Puntod, Barangay Dinginan sa lungsod.

Kinilala ang biktima na si Rizaldo Azuro, 69.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mrs. Corazon Azuro, asawa ng biktima na mismo ang kanilang anak na suspek na si Roger Azuro, 44, ang nagturo kung saan makikita ang bangkay ng ama na kanyang pinatay.

Posible ayon sa ginang na naawa sa kanya ang anak na si Roger, dahil nakita nito ang kanyang paghihirap sa paghahanap sa asawang nawawala sa loob ng limang araw.

Hindi rin aniya masisisi ang anak dahil pinagmamalupitan ito ng ama noon nabubuhay pa.

Malaki ang posibilidad na naubos ang pasensiya ng anak dahil bago ang krimen ay nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang mag-ama kung saan, tinangka ng biktima na tagain ang suspek, ngunit daliri lamang nito ang nasugatan.

Nabatid na matapos aminin sa ina ang pagpatay sa ama ay humingi ng patawad ang suspek sa nagawang kasalanan.