Puwede na raw humingi ng remedyo ang mga ama sa ngalan ng kanilang anak na naabuso ng kanilang mga ina sa ilalim ng Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act.
Sa walong pahinang desisyon ng Supreme Court En Banc, nag-isyu ng permanent protection order ang kataas-taasang hukuman pabor sa ama at kanyang anak at ibinasura ang order ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 69.
Binigyang diin ng Korte Suprema na ang mga inang nangmamaltrato sa kanilang mga anak na nagreresulta sa physical, sexual o psychological violence at saklaw ng RA No. 9262 kayat hindi raw absuwelto sa criminal liability ang inang nananakit ng kanyang anak.
Nag-ugat ang naturang kaso sa petition of certiorari na inihain ng isang ama sa Supreme Court matapos ibasura ng Taguig Regional Trial Court (RTC) ang appeal for protection and custody orders.
Ayon sa korte, naghain ang ama ng petisyon laban sa kanyang estranged wife o nawalay na asawa sa regional trial court noong December 2017 para sa temporary at permanent protection order para sa kanilang anak na babae.
Sinabi ng korte na sinasaktan ng ina ang kanyang anak sa pamamagitan ng pagsabunot nito sa buhok, pagsampal sa mukha at pag-untog sa ulo nito.
Mayroon din umanong pagkakataon na tinutukan ng ina ng kutsilyo ang kanyang anak at binantaang papatayin ito.
Sinabi pa ng korte na nagpadala rin daw ng mensahe ang ina kaugnay ng kanyang planong pagpatay sa anak saka magpapakamatay.
Pero ibinasura ito ng Taguig RTC noong January 2018 at ipinaliwanag na ang protection at custody orders ay hindi puwede iisyu laban sa ina na umano’y umabuso sa kanyang anak.
Paliwanag pa ng korte na sa ilalim ng Anti-Violence Against Women and Their Children Law, hindi raw ito puwede sa isang ama dahil hindi ito babae na biktima ng karahasan.
Dagdag pa ng korte, ang Section 3 ng Anti-Violence Against Women and Their Children ay pinaparusahan ang acts of violence against women and their children na isinagawa ng intimate partners ng babae.
Sa panig naman ng Supreme Court, mayroon daw grave abuse of discretion sa bahagi ng RTC sa kanilang desisyon.
Hindi raw kasi sini-single out ang asawang lalaki o ama bilang salarin.
Ang statute na ginamit dito ay gender-neutral word na ‘person’ na tumutukoy sa lalaki o babae.