KORONADAL CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga namatay kaugnay pa rin sa sunod-sunod na mga pagyanig sa malaking bahagi ng Mindanao.
Napag-alaman na matapos tumama ang malakas na magnitude 6.9 na lindol partikular na sa Padada, Davao del Sur nitong nakalipas na Linggo ay sunod-sunod pa rin ang mga aftershocks.
Kaninang alas-4:18 ng madaling araw ay muli na namang niyanig ng magnitude 5.3 na lindol ang mga apektadong lugar.
Naramdaman ang intensity 4 sa South Cotabato na naging dahilan ng kamatayan ng isang padre de pamilya na si Roy Lantawan, 40, na taga-Prk. 7 Brgy. Acmonan, Tupi, South Cotabato.
Sinasabing inatake sa puso ang biktima nang mangyari ang panibagong lindol kaninang madaling araw habang nagtitimpla ito ng kape.
Natumba umano ang ama na ikinabagok ng ulo.
Sinubukan pang dalhin ng mga kaanak sa bahay pagamutan ang lalaki ngunit dead on arrival na ito.
Aminado naman ang pamilya ng biktima na nagkaroon na ito ng trauma dahil sa mga sunod-sunod na pagyanig.