-- Advertisements --

Nakatakdang sampahan ng kasong parricide ang isang 29-anyos na ama sa lungsod ng Taguig matapos nitong mapatay ang dalawa nitong anak.

Kanina nang kusang loob na sumuko sa pulisya ang suspek na si Aiko Siacunco, residente ng Barangay North Signal.

Sinabi ni Police Colonel Celso Rodriguez, chief of police ng Taguig City, na batay sa inisyal na imbestigasyon, unang nagpakamatay ang asawa ni Aiko nitong Huwebes.

Paglalahad ni Rodriguez, ibinigti raw ni Siacunco ang kanilang dalawang anak na tatlo at isang-taong gulang pa lamang dahil gulong-gulo umano ang suspek kung paano bubuhayin ang mga ito.

Matapos naman aniyang magawa ang krimen, nagtangka ring magpatiwakal ang suspek ngunit nakaligtas ito.

Ayon pa sa opisyal, madalas daw magtalo ang mag-asawa dahil walang trabaho ang suspek.

Ang asawa lamang kasi nito na isang call center agent ang bumubuhay sa kanila noon.

Aniya nade-depress na raw ang mag-asawa at madalas daw sisihin ang suspek kung bakit ayaw nitong maghanap ng pagkakakitaan.