-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dumaranas sa mental disorder ang isang ama na sumaksak patay sa kanyang 10 taong gulang na anak sa barangay Culalabo Del Sur, Burgos, Isabela.

Ang pinaghihinalaan ay si Sergie Estela, 35 anyos, mekaniko at ang biktima ay ang anak na si Arjay Estela, 10 anyos na kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni PMajor Prospero Agonoy , hepe ng Burgos Police Station na lumabas sa kanilang pagsisiyasat batay sa salaysay ng mga kapitbahay na nagsasalita umanong mag-isa ang suspect.

Nakarinig anya ang kapitbahay sa tinig ng ama na humihingi ng pasensiya sa anak dahil napatay nito kayat dali dali nilang puwersahang binuksan ang tahanan ang mag-anak at nakitang duguan ang dalawa.

Matapos anyang saksakin ng ama ang anak ay tinangka din nitong magpakamatay sa pamamagitan ng paglaslas ng le-eg habang nagtamo ng apat na saksak sa tiyan ang batang biktima.

Dinala sa pagamutan ang mag-ama ngunit dead on arrival sa pagamutan ang batang biktima habang ang ama ay nasa kritikal na kondisyon.

Kasalukuyang nagmomodule ang batang biktima nang saksakin ng kanyang ama.

Ang mag-ama lamang ang nakatira sa kanilang bahay matapos kunin ng mga kamag-anak ang isang kapatid ng biktima dahil napansin nilang dumaranas ng depresyon ang pinaghihinalaan matapos maisanla ang kanyang motorsiklo habang wala ring komunikasyon sa asawang nasa abroad.