LEGAZPI CITY – Ginagamot pa ngayon sa ospital ang isang padre de pamilya matapos na saksakin ng sarili lang naman nitong anak sa loob ng kanilang bahay sa Purok 4, Brgy. Tagaytay, Camalig, Albay.
Ang suspek kinilala na si Henry Llames, 29 at ang biktima, ama nitong si Amor, 68.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig PNP spokesperson PCMS Marlyn Gragasin, tatlong saksak sa bahagi ng leeg, tagiliran at puso ang tinamo ng biktima sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Father’s Day.
Mismong ang kapatid na babae rin lamang ng suspek ang nagsumbong sa mga otoridad patungkol sa nangyari.
Salaysay nitong karaniwan nang nag-aamok ang suspek kung lasing kaya’t napagsabihan ng ama subalit napikon umano ng sitahin.
Diretso kuha ng kutsilyo at walang habas na sinaksak ang ama.
Wala na ang suspek sa lugar nang rumesponde ang mga otoridad.
Sa ngayon, pinaghahanap pa rin ang anak ng biktima na tumakas na dala ang ginamit na panaksak.