Sa gitna ng kabi-kabilang kritisismo na ibinabato ng international community, nagawa pa ring isisi ni Brazilian President Jair Bolsonaro sa mga magsasaka ang dahilan kung bakit nasunog ang malaking bahagi ng Amazon rainforest.
Posible umano na sinunog ng mga magsasaka ang ilang bahagi ng gubat upang kanilang mapakinabangan. Inutusan din ni Bolsonaro ang ilan sa mga makapangyarihang bansa na huwag nang makialam pa sa problema ng Brazil.
Una nang nagbatuhan ng patutsada sina Bolsonaro at French President Emmanuel Macron matapos ang suhestyon ni Macron na unang talakayin ang usapin ng mabilis na deforestation at wildfire cases sa gaganapin ng G7 summit ng iba’t-ibang world leaders.
Nagpaabot na rin ng kaniyang pag-aalala si United Nations Secretary General Antonio Guterres hinggil sa pagkasunog ng naturang gubat na lubos na umanong nakababahala.
Hindi naman ikinatuwa ni Bolsonaro ang pagmamagandang loob ng ilang bansa matapos nilang magpadala ng pera sa Brazil upang magsilbing tulong na protektahan ang gubat.
Para kay Bolsonaro, layunin daw ng mga bansang ito na makialam sa soberanya ng kaniyang nasasakupan ngunit sa kabila ng pagmamatigas nito ay inamin pa rin niya na kulang ang Brazil ng resources upang matupok ang apoy.