Nagpaabot na rin si US President Donald Trump ng kaniyang pagnanais na makatulong sa Brazil upang tuluyan ng maapula ang apoy na tumutupok sa malaking bahagi ng Amazon rainforest.
Una rito, kinumpirma ni Brazilian President Jair Bolsonaro na magpapadala umano siya ng tropa militar sa nasabing gubat upang tumulong sa mga public security agencies at public environmental agencies na maapula ang apoy.
Nagbigay babala rin ito sa ilang bansa na huwag nang subukan pang makialam sa naturang isyu.
“The Brazilian Amazon is a heritage of our people, who will protect it from the threats of those who harm the forest with illegal actions and will react to those who intend to violate our sovereignty,” saad ni Bolsonaro.
Nakatakdang dumalo si Trump sa G7 summit na gaganapin sa Biarritz, France kung saan magpupulong ang mga lider mula sa pitong bansa upang talakayin ang iba’t ibang global economic issues.
Kabilang sa mga dadalo ang Canada, France, Germany, Italy, Japan, United Kingdom at United States.
Inaasahan naman na kasama sa agenda ng nasabing summit ang climate change.