KALIBO, Aklan—Personal na sinundo ni Kalibo mayor Juris Sucro si His Excellency Ambassador Luc Veron, Ambassador and Head of the Delegation of the European Union to the Republic of the Philippines pagkalapag ng kaniyang sinakyang eroplano Kalibo International Airport.
Nandito sa bayan ng Kalibo ang nasabing opisyal kung saan, nakatakda siyang makipagkita at makipagpulong kay Aklan governor Jose Enrique Miraflores at iba pang opisyal ng lalawigan.
Ilan sa mga layunin nito sa pagbisita sa Aklan ay maiparating ang aktibidad ng European Union at upang malaman ang kasalukuyang sitwasyon ng Kalibo.
Sa kabilang dako, inaabangan na ang pagdating ng 12 ambassadors ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa tatlong araw na International Business Forum and Diplomatic Visit na layong mapalakas at mapromote ang economic and tourism partnerships na gaganapin sa isla ng Boracay.
Ang nabanggit na mga ambassadors ay mula sa Malaysia, Brunei, Indonesia, Vietnam, Cambodia, Laos, Pakistan, at Taiwan.
Ang nakatakdang forum ay magbibigay ng platform para sa mga diplomats, business leaders, stakeholders, at local government officials upang matalakay ang ilang oportunidad para sa collaboration, digital marketing, at sustainable tourism sa Boracay.
Nauna nang kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Malay na sila mismo ang nag-imbita sa nasabing mga ambassadors na kaagad naman silang pinaunlakan.