Sa kauna-unahan at pambihirang pagkakataon, nagpulong ang dalawang ambassadors sa Pilipinas mula sa itinuturing na superpower country sa buong mundo na China at Amerika.
Layunin ng pagpupulong nina Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at US counterpart nito na si Ambassador MaryKay Carlson upang mapalakas pa ang diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa.
Kapwa ibinahagi naman ng dalawang envoy ang naging sentro ng kanilang pagpupulong sa hiwalay na post sa social media kung saan nagpalitan ang dalawang opisyal ng pananaw at mga prayoridad may kinalaman sa ugnayan ng kanilang mga bansa sa Pilipinas.
Ayon naman sa tagapagsalita ng US Embassy sa Manila na ang pagpupulong na ito ang pinakabago sa ilang serye ng courtesy call ni US envoy Carlson sa ibang mga Ambassadors.
Ang naturang pagpupulong ay kasunod din ng babala ng ilang world leaders sa pabago-bagong sitwasyon sa Indo-Pacific region dahil ang ekonomiya ng Amerika ay pangunahing nakadepende sa magiging hakbangin sa karagatang pinagtatalunan habang ang China naman ay patuloy na iginigiit ang territorial claims nito laban sa ibang mga bansa sa Asya na inaangkin nito sa nakalipas na mga taon.
May magkaibang paraan ang Amerika at China pagdating sa pagpapalakas ng aliance nito sa Pilipinas na parte ng Indo-Pacific.
Sa China kasi, nakatutok ito sa agricultural ties sa bansa kasama na ang infrastructure, energy at people-to-people cooperation kasabay ng isinusulong ng Marcos adminsitration para sa food at energy security sa bansa.
Habang sa parte naman ng Amerika, pinapalakas nito ang military alliance sa bansa sa pamamagitan ng pagdaragdag pa ng military bases at pagsasagawa ng mga joint maritime patrols at exercises kasabay ng pangako ng Pangulo na pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas.