Nagpaabot ng pakikiramay ang mga Ambassador ng Germany at Japan sa pamilya ng 2 Pinoy seaferers na nasawi sa missile attack ng Houthi rebels sa Gulf of Aden noong Marso 6.
Sa isang online post ni Japanese Ambassador-designate Endo Kazuya, sinabi nito na nakikiisa ang Japan sa Pilipinas kaugnay sa kamakailang insidente at nagpaabot ng buong pusong pakikidalamhati sa pamilya ng 2 Pinoy seaferer at nagbigay pugay sa commitment ng mga ito sa ibayong dagat.
Inihayag din ng Japanese envoy na hindi natitinag ang Japan sa pakikipagtulungan sa PH para mapanatili ang pangmatagalang kapayapaan at stability sa buong mundo.
Gayundin, nagpaabot si German Ambassador to the Philippines Andreas Pfaffernoschke ng kaniyang sinserong pakikidalamhati sa pamilya ng mga biktima.
Binigyang diin din nito ang layunin na makamit ang mapayapa at pangmatagalang solusyon sa naturang conflict kasama ang Pilipinas at lahat pa ng kaalyadong bansa.
Una rito, kinumpirma ng United States Central Command na 3 sa lulan ng Barbados-flagged bulk carrier na M/V True Confidence ang patay matapos tamaan ng anti-ship ballistic missile na inilunsad ng Houthi rebels mula sa Yemen.
Kung saan 2 sa nasawi ay Pinoy seaferers habang 3 iba pa ang matinding nasugatan.
Sakay noon ng cargo vessel ang 20 crew members kabilang ang 15 Pilipino nang mangyari ang pag-atake.
Ito na ang itinuturing na kauna-unahang fatal strike na inilunsad ng Houthis mula ng magsimula ang kanilang pag-atake sa mga commercial ship na naglalayag sa Gulf of Aden bilang pakikiisa pa rin sa kanilang kaalyadong Palestinian militant group na Hamas sa Gaza na inaatake ng Israeli forces.