-- Advertisements --

Bumagal pa ang pagkilos ng Bagyong Ambo habang binabaybay ang Luzon Strait at palabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa pinakahuling ulat mula sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 95 kms kanluran ng Calayan, Cagayan.

Taglay na lamang nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kph at may pagbugsong nasa 70 kph.

Kumikilos ang nasabing sama ng panahon pahilagang silangan sa bilis na 10 kph.

Nakataas pa rin ang tropical cyclone warning signal No. 1 sa dulong hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Burgos, Bangui, Pagudpud), dulong hilagang-kanlurang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Praxedes, Claveria), Babuyan Islands, at Batanes.

Inaasahang lalabas ng PAR ang bagyo sa Lunes ng hapon.