-- Advertisements --

Tumigil na sa pagpapakawala ng tubig ang Ambuklao at Binga Dam, matapos ang ilang araw na pagbubukas nito ng spillway gate.

Pagpasok ng 2025 ay magkasunod na nagbukas ng tig-isang spillway gate ang dalawang dam at nagpakawala ng tubig sa gitna na rin ng malawakang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.

Matapos ang ilang araw, magkasunod ding nagsara ng spillway gate ang dalawa, kasunod na rin ng tuluyang pagbaba ng lebel ng tubig ng mga ito.

Sa kasalukuyan, nasa 751.39 meters ang lebel ng tubig sa Ambuklao, ilang sentimetro lamang ito bago maabot ang normal high water level (NHWL) na 752 meters.

Nasa 574.51 meters naman ang lebel ng tubig ng Binga Dam, halos 25 centimeters lamang bago maabot ang NHWL na 575 meters.

Bagamat kapwa malapit sa NHWL ang lebel ng tubig ng dalawang dam, kapwa nakapagtala ng pagbaba ng tubig ang mga ito.

Sa ngayon, tanging ang Magat dam na lamang ang nagpapakawala ng tubig sa Northern Luzon. Mayroon itong isang gate na nakabukas ng dalawang metro at nagpapakawala ng 573.89 cms.

Bagamat nananatiling mataas ang pinapakawalang bulto ng tubig, bumaba na ito mula sa dating 925.89 cms. na pinapakawalan kahapon. Kahapon kasi ay bukas ang dalawa nitong gate at mayroong opening na apat na metro.

Patuloy pa ring pinag-iingat ang mga residente sa mababang lugar na posibleng madaanan ng mga tubig na pinapakawalan ng naturang dam.