Dinagdagan pa ng Ambuklao Dam ang binuksan nitong gate kasunod ng malawakang pag-ulan dulot ng Super Typhoon Pepito.
Ayon sa pamunuan ng Ambuklao, mula sa dating apat na gate na binuksan sa nakalipas na araw, binuksan pa ang apat na gate kaya’t umabot na ngayon sa walong gate ang nakabukas.
Sa dating apat na bukas na gate, mayroon itong dalawang metrong opening at nagpapakawala ng 327.53 cubic meters per second (cms) habang ang walong gate ay may kabuuang 5.5 meters na opening. Ito ay nagpapakawala ngayon ng 759.16 cms na tubig.
Batay sa report ng Hydrology Division ng state weather bureau, tumaas pa sa 750.79 meters ang lebel ng tubig sa naturang dam mula sa dating 750.42 meters kahapon. Ito ay mahigit isang metro bago maabot ang Normal High Water Level (NHWL) ng naturang dam.
Ang NHWL ng Ambuklao ay 752 meters. Ito ang pinakamalalim na dam sa buong Pilipinas.
Patuloy din ang mga pag-ulan sa watershed ng naturang dam.