-- Advertisements --

ROXAS CITY – Bumaliktad ang isang ambulansiya matapos araruhin ang isang tindahan sa Sitio Buta, Barangay Jolongajog, Pontevedra, Capiz.

Sakay sa ambulansiya ng President Roxas Local Government Unit ang driver na si Gary Bejo 45-anyos ng Barangay Ibaca, President Roxas at tatlong responder na sina John Charle Villanueva, Edelyn Patricio at John Robert Almonte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas sa driver na si Bejo, simabi nito na mabagal ang kanyang pagpapatakbo ng sasakyan ngunit biglang huminto ang Montero Sport sa kanyang unahan, kaya iniwasan niya ito.

Ngunit bigla itong nawalan ng preno at dumiretso sa isang tindahan sa gilid ng kalsada.

Dahil sa impact ay bumaliktad ang ambulansiya at nawasak ang bubong ng tindahan.

Nabatid na kagagaling lamang sa Roxas City ang ambulansiya na naghatid ng pasyente at pauwi na ito ng mangyari ang aksidente.