Naniniwala ang militar na may kaugnayan sa direktiba na inilabas ng CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front) na maglunsad ng mga pag-atake sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang pagtutol lalo na sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.
Ito’y kasunod ng pag ambush ng nasa 100 miyembro ng NPA sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) kaninang umaga sa Arakan, North Cotabato, na ikinasugat ng apat na sundalo.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Eastern Mindanao Command (EMC) Spokesperson B/Gen. Gilbert Gapay, kaniyang sinabi na ang insidente kanina ay maaaring parte ng kautusan ng CPP-NPA-NDF sa kanilang mga ground commander na maghasik ng karahasan.
Dahil dito muling pina-aalalahanan ang mga military commander sa ground na palakasin pa ang kanilang seguridad upang maiwasan na makapaghasik ng karahasan ang rebeldeng grupo.
Partikular na pinaaalalahan ng militar na magdoble ingat ay ang mga kampo at detachments na matatagpuan sa mga remote area.
“Well una it could be part ng direktiba ng CCP NPA NDF, malaki ang pagtutol ng komunistang grupo sa martial law, recently ang extention, maaaring parte ng direktiba,” wika ni Gapay.
Sinabi ni Gapay na ang grupo ni alyas Jinggoy mula sa Guerrilla Front 56 ang nasa likod ng pananambang sa mga miyembro ng PSG.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa aniya ang hot pursuit operations laban sa mga rebelde na nanambang sa mga miyembro ng PSG.
Ipinagmamalaki nito na sa ngayon ay mayroon na silang 18 major operations na inilunsad laban sa NPA sa kanilang areas of responsibility.