-- Advertisements --

Aminado ang Department of Energy (DOE) na posibleng mahirap ng maaprubahan ang amendments sa Oil Deregulation Law bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte dahil nakapokus aniya ang mga lawmakers sa nalalapit na eleksiyon.

Ayon kay DOE Undersecretary Gerardo Erquiza Jr., kasalukuyang sumasailalim pa sa deliberasyon sa Kongreso ang pag-review sa Oil Deregulation Law kung saan isang buwan na lamang ang nalalabi bago magtapos ang termino ng kasalukuyang administrasyon.

Magugunita na noong nakalipas na buwan, sinabi ng Malacañang na panahon na para sa Kongreso na pag-aralan ang Oil Deregulation Law bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Aprubado na rin ng House of Representatives’ committee on energy ang amendments sa naturang batas na nagsusulong para sa unbundling ng domestic prices at institutionalization ng minimum inventory requirement ng bansa.

Ang pagtaas ng domestic prices ay nasa uptrend sa loob ng 13 linggo na iniugnay ng DOE sa nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine at pagluluwag ng COVID19 restrictions sa China na nagpataas ng demand.

Base sa latest data na available mula sa DOE, ang oil price adjustments ay mayroong net increase na P15.45 kada litro sa gasolina, P27.35 kada litro sa diesel, at P21.55 kada litro sa kerosene sa datos noong Abril 19.