Nakatakdang magbigay ang administrasyon ni US President Joe Biden ng kauna-unahang cluster munitions o cluster bombs para sa Ukraine na inaasahang iaanunsiyo ngayong araw.
Ito ay bilang bahagi ng panibagong military aid package ng Pentagon na nagkakahalaga ng nasa $800 million para sa war effort ng Ukraine laban sa Russia.
Ginawa ang naturang desisyon ng Amerika sa kabila pa ng malawakang pagbabawal salig sa 2008 treaty na Convention on Cluster Munitions na ikinababahala na magdulot ng civilian casualties ang kontrobersiyal na mga bomba.
Ang ibibigay na mga bomba kasi ng Amerika sa Ukraine ay ang 155-millimeter artillery shells na naglalaman ng explosive grenades na tinatawag na dual-purpose improved conventional munitions, o D.P.I.C.M.s.
Nakadesinyo ito na magbukas habang nasa ere para magpakawala ng mga granada para atakehin ang armored vehicles at target nito.
Ang cluster munition na nasa imbentaryo ng US ay ang M483 na naglalaman ng 88 granada at ang longer-range na M864 na naglalaman naman ng 72 grenades.
Unang ginamit ang cluster munitions noong World War II na isang klase ng weapons kabilang ang rockets, mga bomba, missiles at artillery projectiles na sumasabog sa ere at nagpapakawala ng maliliit na bomba sa malawakang lugar.
Simula noong WWII, nasa tinatayang 56,500 hanggang 86,500 sibilyan na ang napatay dahil sa cluster munitions kabilang ang remnants ng mga ito.