Muling pinagtibay ng Estados Unidos ang Article IV ng 1951 US-Philippines Muual Defense Treaty (MDT) sakaling humantong sa pag-atake sa mga tauhan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, sa mga sasakyang panghimpapawid at mga tauhan nito.
Ito’y matapos kausapin ni Deputy Secretary of State Kurt Campbell si Philippine Undersecretary of Foreign Affairs Maria Theresa Lazaro ngayong araw.
Sa nasabing pag-uusap, tinalakay nina Deputy Secretary Campbell at Undersecretary Lazaro ang isyu kaugnay sa dumaraming escalatory at iresponsableng mga aksyon ng People’s Republic of China partikular ang insidente kahapon June 17, na humadlang sa Pilipinas sa pagsasagawa ng isang legal na maritime operation sa West Philippine Sea na nakakasagabal sa freedom of navigation ng Pilipinas.
Sumang-ayon naman si Deputy Secretary at Undersecretary na ang mga mapanganib na aksyon ng China ay nagbabanta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Sa ilalim ng Mutual Defense Treaty tutulungan ng US ang Pilipinas saan man ito sa bahagi ng West Philippine Sea.
Inulit pa ni Deputy Secretary Campbell at Undersecretary Lazaro ang kritikal na kahalagahan ng alyansa ng United States-Philippines sa pagpapanatili ng ating ibinahaging pananaw para sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific na rehiyon.
Sa kabilang dako, tikom pa ang bibig ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa aksiyon ng China Coast Guard laban sa ginawa nitong paghahadlang sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na magsasagawa sana ng resupply mission sa mga tauhan nito na naka station sa BRP Sierra Madre.