Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang American national na wanted sa New York dahil sa pangmomolestiya ng mga menor-de-edad sa New York.
Sinabi ni BI-Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Sy, ang naarestong banyaga ay kinilalang si Francisco Loreno, 48.
Naaresto ang suspek sa isang hotel sa Ortigas, Mandaluyong City kasunod na rin ng mission order na inisyu ni BI Commissioner Jaime Morente.
Sinabi ni Morente na kailangang mahuli ang suspek dahil sa pagiging undesirable alien at delikado ito sa public safety dahil itinuturing itong kriminal sa Estados Unidos.
Si Loreno ay mayroong warrant of arrest na inisyu ng US District Court ng Western District ng New York noong March 2019 dahil sa paglabag sa New Jersey Code of Criminal Justice.
Nag-ugat ang kaso sa pangmomolestiya ng babaeng 13-anyos.
Pansamantalang nakaditine ang suspek sa warden facility ng BI sa Taguig City habang hinihintay ang deportation.