-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nangako ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) na itutuloy nila ang pagmamasid at pagmonitor sa May 13 midterm elections kahit wala na silang katuwang sa gobyerno.

Maaalalang noong nakalipas na linggo ay tinanggihan ng NAMFREL ang accreditation ng Commission on Elections (Comelec) bilang katuwang nila sa darating na halalan matapos na hindi sila pinayagan na makakuha ng open access sa mga election data na makakatulong umano upang matukoy kung may mga posibleng iregularidad na mangyayari sa halalan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay NAMFREL chairman Gus Lagman, sinabi nito na tuloy-tuloy umano ang trabaho nila, lalo na ng kanilang mga vounteers na nagkalat sa iba’t ibang panig ng bansa kahit na wala silang access sa election data dahi mayroon pa naman umano silang ibang gagawin para makilahok sa halalan at gawin ang kanilang mandato.

Sa katunayan umano, isa pa rin sila sa mga grupo na nag-oobserba sa kasalukuyang isinasagawang final testing and sealing ng mga vote counting machines at mayroon silang mga volunteers na may mga kaibigan na poll officers na maaaring makatulong sa kanila upang makakuha ng alternatibong paraan para sa mga kailangan nilang election data.

Binigyang-diin pa nito na hindi magbabago ang kanilang desisyon kung hindi aaprubahan ng Comelec ang kanilang hiling.