-- Advertisements --

Nakatakdang magdulot ng mahinang pag-ulan ang northeast monsoon o amihan sa ilang bahagi ng bansa sa mga susunod na araw, ayon sa Bombo Weather Center.

Maaaring maramdaman ang mahinang pag-ulan sa silangang Cordillera, Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at Bicol Region sa Miyerkules (Disyembre 13) at posibleng Huwebes (Disyembre 14).

Ito ay maaring sanhi ng bahagyang pagtaas ng amihan sa Martes (Disyembre 12) na hihina sa Huwebes ngunit lalakas sa kalagitnaan ng Sabado (Disyembre 16).

Ang shear line, kung saan ang malamig na hanging Amihan ay sumasalubong sa mahalumigmig na easterlies mula sa Pacific, ay maaaring mabuo sa hilagang-silangan ng Luzon sa Sabado, na posibleng magdulot ng kalat-kalat na katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa hilagang bahagi ng Ilocos Region, Cordillera, at Cagayan Valley sa Linggo.

Samantala, ang mainit na easterlies ay mangingibabaw sa karamihang parte ng bansa sa buong linggo.

Ang Metro Manila, gayunpaman, ay magiging mainit at tuyo ngayong linggo, na may posibilidad ng maulap at katamtamang pagkidlat-pagkulog sa hapon ng Miyerkules at Sabado.

Binabantayan din ng weather bureau ang posibleng pagbuo ng weather disturbance sa far southeast ng Mindanao sa unang bahagi ng linggong ito na maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility bilang tropical depression sa Sabado at mag-landfall sa hilagang-silangan ng Mindanao, Linggo.

Ang mga pag-ulan mula sa potential weather disturbance sa Mindanao ay maaaring makaapekto sa Caraga at Davao Region simula Linggo ng madaling araw at hanggang sa silangan at gitnang Visayas, hilagang Mindanao, at SOCCSKSARGEN.