Inanunsiyo ng state weather bureau na maaaring matapos na ang Amihan season sa first half ng buwan ng Marso.
Ipinaliwanag ni weather specialist Joey Figuracion na ang period na ito ang mitsa ng pagsisimula ng pagbabago ng klima mula sa malamig at tuyong panahon patungo sa hot and dry season o mainit at tuyong panahon.
Ang dry season ay nahati sa 2 phase, ang malamig at tuyong panahon ay mula Disyembre hanggang Pebrero habang ang hot at dry season naman ay nararanasan mula Marso hanggang Mayo.
Kasabay ng pagbabago ng klima, unti-unting mararanasan na ang mas mainit na temperatura na mitsa ng pagsisimula naman ng hot at dry season.
Sasabayan ito ng pagbabago sa pattern ng hangin mula sa northeasterly patungong easterly winds kasama ang pagtaas ng temperatura.
Kayat sa susunod na buwan, makakaranas ang bansa ng mas maaraw at tuyong mga araw subalit posible pa rin ang isolated thunderstorms sa hapon o gabi.
Matatandaan noong nakalipas na taon, opisyal na idineklara ng state weather bureau ang pagtatapos ng amihan season at pagsisimula ng hot and dry season noong Marso 22.