Muling naghayag ng kanyang interes ang dating world light welterweight champion na si Amir Khan na makatunggali si six-division champion Oscar de la Hoya sa oras na magpasya itong magbalik sa ibabaw ng boxing ring.
Una nang tinuldukan ng 47-anyos na si De La Hoya ang mga ispekulasyon at kinumpirmang may balak itong bumalik sa lona.
Ayon kay Khan, malaking karangalan para sa kanya na makaharap ang isa sa mga itinuturing na alamat sa larangan ng boxing.
Kung maaalala, lumaban noon si Khan sa ilalim ng Golden Boy Promotions ni De La Hoya.
Sinariwa rin nito ang panahong nais niyang makalaban ang kanyang boss, at inihayag ni Khan na ito na raw ang tamang panahon para ito’y mangyari.
“Oscar says he wants a dancing partner, I’m ready to dance. I remember sizing him up as well,” ani Khan.
“I remember sizing him up, maybe one day, you just never know. Very similar height to me, the body frame was a little bit wider.”
Huling sumabak sa isang 150-pound fight si Khan noong 2016 nang ma-knockout ito ni Saul “Canelo” Alvarez sa round six.
Kung matupad naman daw ang kanyang pangarap na makasagupa si De La Hoya, nais niya raw maglagay ng ilang punto sa kontrata upang mapalaki ang kanyang tsansa na manalo.
“154 [pounds] might be pushing it a little bit but when you’re up against a legend like Oscar then there might have to be some rehydration clause or something like that,” saad ni Khan.
“I’m not going to do the same mistake I made against Canelo because size definitely matters in fights.”