-- Advertisements --

VIGAN CITY – Naniniwala ang isa sa mga matalik na kaibigan ni Sen. Manny Pacquiao na ang British professional boxer na si Amir Khan ang sunod na makakalaban nito kung ang perang kikitain ang pag-uusapan at ikokonsidera.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson, sinabi nito na kahit walang boxing title si Khan, sikat naman ito sa Europe at ilang Arab countries kaya malaking pera ang posibleng kitain ng dalawang boksingero sa nasabing laban.

Samantala, wala pang kasiguraduhan kung sa Dubai isasagawa ang nilulutong laban at kung ang 32-year-old boxer nga ang sunod na kakalabanin ng 40-year-old Pinoy ring icon.

Kung maaalala, naudlot ang dapat sana’y laban ng dalawa sa Middle East noong 2017 dahil umano sa isyu sa pondo.

Nito namang taon nang ihayag ng British boxer na naayos na ang isang kasunduan para sa laban nila ni Pacman sa Nobyembre na agad namang pinabulaanan ng kampo ng fighting senator.