-- Advertisements --
LENI ROBREDO NOV 13 2

Pag-amiyenda sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isa sa mga nakikitang paaran ni Vice Pres. Leni Robredo para maging angkop sa kasalukuyang panahon ang mga hakbang ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Kabilang ito sa mga natalakay ni Robredo sa pulong kasama ang mga opisyal ng Embahada ng Estados Unidos nitong Miyerkules.

Ayon kay Robredo, naging komprehensibo ang pag-uusap nila ng mga opisyal na kinatawan ng iba’t-ibang ahensya sa Amerika.

Gaya ng International Narcotics and Law Enforcement Affairs ng State Department, Drug Enforcement Administration, Federal Bureau of Investigation, at US Agency for International Development.

Nagkasundo rin umano ang bise presidente at US officials sa pagkakaroon ng malinaw na baseline data sa drug situation ng Pilipinas, at pagpapalakas sa community-based drug rehabilitation.

“Matagal na ang ugnayan ng aming opisina sa Embahada ng Amerika. Nagtulungan na kami sa iba’t ibang proyekto. Nagpapasalamat ako na naging agaran ang kanilang pakikipagkita sa akin matapos ang aking pagkakatalaga,” ani Robredo.

“Ipinahiwatig nila ang kanilang buong suporta at kooperasyon sa ating kampanya laban sa iligal na droga. At, bilang kaibigan ng Pilipinas, gagawin nila ang lahat para tayo ay magtagumpay sa laban na ito.”

Ayon sa Office of the Vice President, asahan pa ang pagdalo ni Robredo sa iba’t-ibang pulong bilang co-chairperson ngayon ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ngayong araw nakatakdang makipagkita ang bise presidente sa Law Enforcement Cluster ng ICAD na kritikal bilang tagapag-patupad ng war on drugs campaign ng gobyerno.

“She’s already going to meet with the first cluster, the Law Enforcement Cluster. So kasama dito, Philippine National Police, PDEA, NBI, AMLC, and all the other agencies involved in direct enforcement aspect of the anti-drug campaign. And that will continue on sa… into the following week when she talks to other clusters—Advocacy, Rehabilitation, and so on,” ayon kay Atty. Barry Gutierrez na tagapagsalita ni Robredo.

“But right now, she’s focused on, kumbaga, fixing her own house muna. But as soon as the President calls her to talk to the… to talk about her job and his instructions, she will, of course, be ready to do that. Yesterday, she already sent an initial report to the President, kung ano-ano na iyong mga nagawa.”