-- Advertisements --

Lusot na sa komite ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong pagtibayin ang kampanya ng gobyerno kontra sa sakit na tuberculosis (TB).

Nagkasundo ang panel ng House Committee on Appropriations sa pamumuno ni vice chairperson, Compostela Valley Rep. Maria Carmen Zamora sa pag-apruba ng House Bill 8615 na nagpapa-amiyenda sa nilalaman ng Republic Act No. 10767 o “Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act.”

Ayon sa may-akda ng panukala na si Quezon Rep. Angeline Tan, na siya ring chair ng Committee on Health, panahon na para palakasin ang laban kontra TB.

Ito’y matapos umanong aprubahan sa high-level meeting ng United Nations ang Political Declaration on the Fight Against Tuberculosis.

“The UN HLM on TB on 26 September 2018 in New York with the theme United To End Tuberculosis: An Urgent Response To A Global Epidemic is a tremendous and unprecedented step forwarded by governments and all partners engaged in the fight against TB,” ani Tan.

Dagdag pa ng kongresista, ikaapat ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamataas na kaso ng TB.

Sa ilalim ng panukalang batas, inaatasan ang Commission on Higher Education at Department of Health na bumuo ng mga module kung paano maaagapan at mako-kontrol ang TB para sa mga eskwelahan.

Bukod dito, binibigyang direktiba rin nito ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawigin ang kanilang team package para sa TB patients.