-- Advertisements --
House Congress
House of Representatives

Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para amyendahan ang RA 7042 o ang “Foreign Investment Act (FIA) of 1991” para luluwagan ang restrictions sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Sa botong 201-Yes, 6-No, at 7-Abstain, lumusot ang House Bill 300 na target ibaba sa 15 mula sa 50 ang minimum employment requirement ng direct local hires sa mga small at medium domestic enterprises na tinatag ng mga foreign investors.

Maaari na ring makapagbukas ng negosyo at mamuhunan ang mga dayuhan sa halagang $100,000.

Hangad ng panukalang iniakda nina Albay Rep. Joey Salceda, Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte at Tarlac Rep. Victor Yap na gawing mas accesible sa foreign investors ang Pilipinas, makapagbigay ng mas marami pang trabaho sa mga Pilipino, at palakasin pa ang ekonomiya ng bansa.

Target din nitong hikayatin ang mga foreign direct investments at makakuha ng ideya sa mga teknolohiyang ginagamit ng mga ito.

Sa kabila ng pag-luwag na ito, tinitiyak ni Salceda na hindi maaapektuhan ang local industry dahil maglalatag ng mga kategorya na kung saan may mga industriya na hindi naman papayagan na dayuhan ang magtrabaho at manungkulan.