Naniniwala ang ekonomista at presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na si Emmanuel Leyco na hindi tuluyang malulutas ng 100 percent foreign ownership sa mga telecommunication companies, railways, airlines at logistical facilities ang mga existing nang problema.
Sinabi ito ni Leyco matapos na maging ganap nang batas ang mga amiyenda sa Public Service Act matapos na aprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
Ayon kay Leyco, hindi ownership ang issue kundi ang buong sistema kung kaya’t marami-raming mga problema sa mga industriyang ito.
Samantala, sinabi naman ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Emmanuel Rey Caintic kaugnay na walang magiging problema sa bagong anyo ng 85-anyos nang batas.
Mapapasa-loob pa rin naman kasi aniya ang mga foreign players sa mga existing laws sa Pilipinas.
Sisiguraduhin naman din aniya ng kanilang kagawaran na magiging regular pa rin ang cybersecurity check sa oras na pumasok na ang mas marami pang foreign direct investments.