Inalerto ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bangko at financial institutions na masusing magbantay at mag-monitor ng husto sa malakihang mga transactions na posibleng maging bahagi ng money-laundering at vote-buying activities sa panahon ng halalan.
Ang inilabas na advisory ng AMLC ay bunsod na rin ng inaasahang pagbuhos ng mga financial activities kasabay ng election period.
Ipinaalala rin ng AMLC na ang matutukoy na mga personalidad na masasangkot sa “dirty money” ay dapat magsagawa ng “customer due diligence measures” na nakapaloob sa Anti-Money Laundering Act of 2001.
Kung kinakailangan nararapat na masusing i-monitor ang mga customers’ transactions at mag-file kung merong suspicious transaction reports.
Nilinaw pa ng AMLC na liban sa mga bangko, kabilang din sa kanilang inaalerto ang mga financial institutions katulad ng mga pawnshops, foreign exchange dealers, money changers, money changers at remittance companies, jewelry dealers, casinos, offshore gaming operators, at mga real estate brokers at developers.
Sinabi pa sa statement ng AMLC na ang mga tinaguriang “covered persons” ay dapat alam ang pagtukoy sa mga “red flag indicators” o pinaghihinalaang aktibidad na maaring may kinalaman sa umano’y money laundering activities.
Inihalimbawa ng AMLC ang naturang mga red flags na kinabibilangan ng large transactions sa loob lamang ng maiksing panahon, ang mga transactions ay tila “inconsistent” sa customer’s financial profile o kaya sa negosyo nito.
Kabilang naman sa mga “suspicious transactions ay kinabibilangan ng “unjustified” large cash deposits at withdrawals, “unusual” transactions na katakatakang hindi naman nalilinya sa pang-araw araw na gawain at ang tinatawag na structured cash deposits and money transfers.
Inihalimbawa pa ng AMLC ang mga red flags o kahina-hinala ay ang pagkakaroon ng multiple accounts ng isang tao lamang at ang paggamit ng ilang money service businesses para magpadala ng pera.
Bago pa man ito ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay naglabas na rin ng Memorandum noong Disyembre sa posibleng paglaganap ng digital vote buying sa panahon ng halalan.