LEGAZPI CITY – Nag-isyu na ng freeze order ang Anti-Money Laundering Coucil (AMLC) laban sa KAPA Community Ministry International Inc., ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SEC Legazpi Extension Office OIC director Atty. Norma Olaya, sinabi nito na natanggap nila ang kautusan mula sa central office.
Nangangahulugan aniya ito na hindi magagamit ng KAPA ang anumang assets habang hindi makakapag-withdraw ng pera sa bangko.
Kaugnay nito, nag-abiso rin ang SEC Legazpi na mag-ingat sa mga investment-taking activities ng KAPA at iba pang investment schemes habang siniguro din ang paghihigpit sa investor protection.
Samantala, kinumpirma ni Olaya na may natanggap na silang impormasyon sa umano’y opisina ng KAPA sa Legazpi.
Sa kasalukuyan ay wala pa umano silang natatanggap na formal complaint hinggil sa mga aktibidad ng KAPA sa lungsod lalo na sa solicitation.