Wala pang natatanggap ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na request mula sa International Criminal Court (ICC) na humihiling para sa tuluyang pag-freeze sa mga ari-arian ni dating Pang. Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam, sinabi ni AMLC Secretariat Executive Director Matthew David na kung sakali mang magpapadala ang ICC ng request sa konseho, isasailalim muna nila ito sa serye ng evaluation.
Dadaan din ito aniya sa konsultasyon kasama ang iba’t-ibang mga government agencies upang matukoy kung paano ang mga ‘response’ ng gobiyerno ng Pilipinas sa request ng ICC.
Mahalaga ito aniya upang matukoy kung paano ipatupad ng bansa ang ICC request o kung tuluyan ba itong ipapatupad.
Nitong nakalipas na lingo ay sinabi ng AMLC na kanilang pinag-aaralan ang posibleng pag-freeze sa asset ng dating pangulo sa gitna ng mga ‘gap’ sa legal framework ng bansa na maaaring maging hamon sa implementasyon ng freeze order, sakali mang dumating ito.
Sa ilalim ng sistemang sinusunod ng ICC, pinapayagan nila ang mga biktima ng madugong drug war na pinangunahan ng dating pangulo, na makapag-apply ng reparation o compensation sa danyos at pinsalang kanilang dinanas sa ilalim ng naturang drug war.
Ngunit mangyayari ito kung na-convict o napatunayang nagkasala ang dating pangulo.
Habang nagpapatuloy ang paglilitis, ang mga asset ng akusado ay kailangang i-freeze. Ngunit kung magkukulang ang halaga ng mga asset, may sariling trust fund din ang ICC kung saan maaaring makuha ang dagdag na compensation.