-- Advertisements --

arm

Tiniyak ni Philippine Army chief Lt Gen. Cirilito Sobejana na hindi mangyayari sa bansa ang naganap na malaking pagsabog sa Beirut, Lebanon noong nakaraang linggo kung saan mahigit 100 indibidwal ang nasawi at libu-libo ang nasugatan.

Siniguro ni Sobejana, secured ang ammunition dam ng hukbo kung saan nakaimbak ang lahat ng mga explosives at ordnance capabilities nito.

arm1

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana sinabi nito na kaniyang ipinatawag ang hepe ng Ordnance and Chemical Branch ng Philippine Army at pinasisiguro na mayroong proper handling at stockpiling sa kanilang mga bala, explosives at ordnances.

Ayon kay Sobejana ang pagsabog sa Beirut ay isang unfortunate incident na maaari sanang maiwasan.

Aniya, istriktong sinusunod ngayon ng mga sundalo ang mga itinakdang safety protocols sa kanilang ammunition dam.

Nilinaw din ng heneral na hindi nag-iimbak ng ammonium nitrate ang militar.

Ang ammonium nitrate ay pangunahing sangkap sa paggawa ng IED na karaniwang ginagamit ng mga kalaban ng estado.

“Kung ganoon kalaki yung nakaimbak duon talagang expected na magkaroon ng ganuong kalawakang pagsabog, pero wala naman tayong iniimbak o ini-istore na ganuong klaseng eksplosibo at saka may mga measures na sinusunod, it will not happen in our ammunition dam at sa imbakan ng ating mga explosives. Tuloy-tuloy na ire-review natin yan at itong pagsabog sa Lebanon ay ipinatawag ko yung pinaka-head ng Ordnance and Chemical Branch para siguraduhin na walang katulad na pagsabog dito sa atin,” pahayag pa ni Lt. Gen. Sobejana.

Samantala, aminado si Sobejana na may natutunan na sila sa mga naunang insidente partikular ang pagsabog sa reloading center o armory ng Philippine Army sa Fort Bonifacio nuong May 2014 kung saan mahigit 20 ang sugatan habang tatlo ang nasawi.

arm2

Sa ngayon, bilang bahagi sa safety measures na ipinatutupad ng Army malayo na sa komunidad ang kanilang ammunition dam.

Regular din ang ginagawang inspection sa mga bala, explosives at ordnances para mabatid kung gaano na ito katagal na nakaimbak.

Layon nito para maiwasan ang anumang unnecessary explosion.

“Mayroon tayong sini-setup na lightning arrester para kung kumidlat ay hindi delikado yung ating mga bala at explosives,” giit ni Sobejana.

Dagdag pa ng army chief, “depende sa kalibre yung small arms na tinatawag natin yung bala ng M16, M14 at similar calibers umaabot yan ng 15 years. Ito yung may mga explosives tulad ng mortar yung 105, 155 high definition explosives mga 10 years lang yan kapag na-achieve na ang life span sina subject natin yan sa testing.”