KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad aa nangyaring pamamaril-patay sa anak ng alkalde at kasama nito sa Barangay Tamnag, Lutayan, Sultan Kudarat. Kinilala ni Sultan Kudarat Police Provincial Office Spokesman Lt.Col. Lino Capellan ang mga nasawi na sina Datu Naga Mitra Mangudadatu at Dennis Hadji Taob na kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Si Datu Naga ay anak ni Lutayan Mayor Pax Mangudadatu na dating gobernador ng Sultan Kudarat Province kung saan kumandidato din ito noon sa pagka-vice mayor ng Lutayan.
Samantala, dalawa pang kasamahan nito ang mga sugatan sa pamamaril na sina Watari Kalim at isang menor de edad.
Ayon kay Capellan, lumabas sa kanilamg imbestigasyon na nasa loob ng kanilang pwesto sa Lutayan public market ang apat na mga biktima nang may biglang dumating ang isang pick-up sakay ang mga suspek at saka sila nilapitan at pinagbabaril gamit ang M-16armalite rifle.
Sa ngayon ayon kay Capellan, di pa tukoy ang motibo sa naturang pamamaril.
Patuloy rin ang pangangalap ng ebidensya ng Lutayan PNP kabilang ang paghahanap ng potential witnesses at CCTV footages na malapit sa lugar.
Nananawagan din si Capellan sa mga testigo na nakakita sa pangyayari na makipag-ugnayan sa mga otoridad.