CAGAYAN DE ORO CITY – Nasa ligtas nang kalagayan ang 13-anyos na babae matapos aksidenteng mabaril ng kanyang kaklase sa isang pribadong paaralan sa Barangay Macasandig sa lungsod ng Cagayan de Oro.
Sinabi ni Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) spokesperson Maj. Ivan Viñas, may sinalihang “war games” stage play ang 13-anyos na estudyanteng lalaki kaya nagdala ito ng .9mm na baril na pagmamay-ari ng kanyang ama na isang Army colonel.
Tinanggal ng menor de edad ang magazine ng baril ngunit hindi umano namalayan nito na kargado pa ito ng bala.
Nakalabit ng binatilyo na taga-Tejero Subdivision, Barangay Patag ang gatilyo ng baril kung kaya’t tinamaan ang kanyang kaklase sa beywang.
Hinihintay pa ng PNP ang desisyon kung magsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa suspek.