CAGAYAN DE ORO CITY – Iginiit ngayon ng panganay na anak ni incumbent Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno na “na-frame up” lamang umano ito sa inilunsad na buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng hotel sa Angeles City, Pampanga.
Nadawit kasi ang anak ng alkalde na si Sean Moreno nang mahuli ng PDEA operatives si Bernice Fabiosa na target ng operasyon kung saan nakumpiska ang mga tableta na ecstasy at ibang uri ng iligal na droga.
Inihayag sa Bombo Radyo ng matalik na kaibigan ng pamilyang Moreno na si Art Mercado na nakabisita sa kulungan kung saan nakapiit si Sean, iginiit nito na ibang transaksyon daw ang layunin nito kung bakit nakarating sa Angeles City.
Sinabi ni Mercado na pagbebenta lamang umano ng sasakyan ang pakay ni Moreno subalit hindi inaasahan na napasama ito sa grupo ni Fabiosa na nagkataon na target ng PDEA.
Labis na dinaramdam ng pamilyang Moreno ang sinapit ng kanilang 43-anyos na anak na kabilang sa nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
Una nang nagpalabas ng mensahe si Mayor Moreno na labis itong nadidismaya sa nangyari sa kanyang anak at tiniyak nito na hindi niya ito tatalikuran sa kinakaharap na suliranin.
Nang mahuli si Sean at nobya nito na si Fabiosa kasama ang ibang lima pa, nasabat ng PDEA ang nasa P1-milyong halaga ng ecstasy at iba pang klase ng mga droga mula sa kanilang mga posisyon sa loob ng four-star hotel noong Hunyo.
Makailang beses na ring isinailalim sa rehabilitasyon ang nakakabatang Moreno dahil sa nalulong ito noon sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.